MANILA, Philippines – Nakahinga na ng maluwag ang pamilya ng mga United Nations peacekeeper na nagmula sa hanay ng Philippine National Police.
Ito ay dahil makakauwi na ang kanilang mga mahal sa buhay, mula sa 21-day mandatory quarantine sa Caballo Island.
Ang mga peacekeeper mula sa Liberia, kung saan mayroong mataas na kaso ng nakamamatay na Ebola virus ay sumailaim sa quarantine bilang safety measure ng pamahalaan.
Ayon sa mga anak ni SPO3 Monette Mazon na si Margarette, masaya sila at makakasama na nila ang kanilang ina matapos mapahiwalay sa kanila ng apat na buwan.
“Natakot din po na baka may Ebola pero nakakasama po magisip ng negatibo lalo na po pag sa taong mahal mo,” saad nito.
“Ok na po kasi alam namin na ligtas sya ngayon,” saad naman ni Daina, anak rin ni SPO3 Mazon.
Maging ang misis ni SPO2 Mark Pizarro ay excited na ring makita ang asawa na siyam na buwan na hindi nito nakasama.
“Excited at talagang relief na’ko na makakauwi na siya, masayang masaya at nandito na sya ngayon,” masayang pahayag ni Angelie.
At dahil sa kumakalat na Ebola virus, sinabi ng mga ito na hindi na nila papayagan pang bumalik sa Liberia ang kanilang mga mahal sa buhay.
“Pag nagpatuloy pa sila don baka po maapektuhan na rin sila kaya po kapag may opportunity na papabalikin sila ay di ko na po papayagan,” pahayag ng anak ni SPO3 Mazon na si Margarette.
“Baka hindi ko na i-take ang risk, alam na nanggaling na nga don e ipu-put at risk mo na naman sya, so parang hindi na siguro,” saad naman ng misis ni SPO2 Pizzaro.
Ang 24 na PNP contingent ay dumating sa Camp Crame sa Quezon City mula sa Caballo Island, bandang alas-9 kagabi matapos ang kanilang 21-day mandatory quarantine.
Binigyan ang mga ito ng PNP ng letter of commendation, U.N. service medal at 9mm Glock pistol. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)