UNTV GEOWEATHER CENTER (5pm, 12/03/14) – Nakahigop pa ng lakas si Typhoon “Hagupit” habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa ngayon ay taglay nito ang lakas ng hangin na 160kph at pagbugso na aabot sa 195kph.
Kumikilos ito West Northwest sa bilis 30kph at inaasahang papasok sa PAR bukas at papangalanan itong “Ruby”.
Nasa 75% na ngayon ang tsansa na maglandfall o tumama ito sa lupa partikular sa Eastern Samar habang ang 25% naman ay ang posibilidad na lumihis ito at pumunta na lamang ng Japan.
Tinatayang magdudulot ito ng 3-4 metrong Storm Surge kapag ito ay tatama sa lupa.
Sa Sabado ang inaasahang pag-landfall ng bagyo kaya’t ngayon pa lamang ay inalerto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga Local government unit para mapaghandaan ang pagdating ng bagyo.
Tumulak na patungong Samar ang Storm Chaser team ng PAGASA dahil sa posibilidad na pagtama ng bagyo sa lugar.
Dala ng team ang mga special equipment na gagamitin sa pagtaya ng bagyo.
Ayon kay weather specialist Robert Quinto na siyang team leader ng grupo, pupwesto sila sa lugar na tutumbukin ni Typhoon Hagupit upang maihatid ang pinakasariwang datos na magagamit sa pagsukat ng dami ng ulan, lakas ng hangin at direksyon nito.
Haharapin ng grupo ang panganib subalit ayon kay Quinto hahanap parin sila ng paraan para mailigtas ang kanilang buhay. (Rey Pelayo / UNTV News)
END