MANILA, Philippines – Hindi papayagan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na magbakasyon ngayong holiday season.
Ito ay upang mabawasan kung hindi man tuluyang maiwasan ang mga petty crime.
Ayon kay PNP PIO Chief, P/CSupt. Wilben Mayor, ipinagutos na ni PNP Chief Director General Alan Purisima ang “no leave no break” policy simula sa December 15 hanggang January 10, 2015.
“Walang bakasyon, regular ang duty mo, pero pag sinabing heightened alert o full alert ang ibig sabihin nya ay nage-extend ang oras mo, ‘pag heightened alert 20% ng duty hours mo ay extend, pag full alert ay 50%,” paliwanag ng opisyal.
Sinabi pa ni Mayor na itatalaga ang mga tauhan ng PNP sa mga matataong lugar tulad ng places of worship, malls, palengke, business districts, bus terminals, MRT/LRT stations, seaports, airports, tourist destinations at mga vital installations.
“Kailangan ang full presence ng kapulisan natin because napakarami nating activity now, panahon ng pasko, New Year sa January at yung APEC.”
Bukod sa mga pulis, mayroon ding mga force multipliers ang PNP mula sa mga barangay tanod, NGO’s, private security agencies at civilian volunteers na tutulong sa pagbabantay ngayong holiday season.
Pinapayuhan ng PNP ang publiko na maging mapagmatyag at agad na isumbong sa kanilang tanggapan o i-text sa 2920 o 09178475757 kung may kahina-hinalang kilos sa kanilang lugar. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)