MANILA, Philippines – Umakyat na sa tatlo ang bilang ng mga Pilipinong nasawi sa lumubog na South Korean fishing vessel sa Bering Sea sa Russia noong Disyembre 1.
Nitong Huwebes ay kinilala na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isa sa mga nasawi na si Jessie Alovera Londres, 25-anyos.
Tumanggi naman ang DFA na pangalanan ang dalawa pang nasawi dahil hindi pa nasasabihan ang mga kaanak ng mga ito.
Sa kabuuan, 20 na ang narecover na mga bangkay ng mga awtoridad, kabilang ang tatlong Pilipino, siyam na Indonesians, anim na Koreans, at dalawang unidentified crew members.
Nananatili naman sa pitong tripulante ang nasagip ng mga awtoridad mula sa lumubog na Oriong-501, kabilang na ang tatlong Pilipinong sina Rowell Aljecera, Micol Sabay at Teddy Parangue Jr.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang search and rescue operations sa mga nawawala pang mga tripulante ng naturang fishing vessel.
Magugunitang Disyembre 1 nang maglayag sa Bering Sea ang Oriong-501, na may sakay na 60 tripulante nang biglang hampasin ng malalaking alon na naging dahilan ng paglubog nito. (Bianca Dava / Ruth Navales)