MANILA, Philippines – Sugatan ang isang motorcycle rider matapos itong bumangga sa steel barrier sa Congressional Road corner Tandang Sora, Quezon City, alas-12:30 ng madaling araw ngayong Lunes.
Nagtamo ng malalim na sugat sa baba at sa kanang bahagi ng noo ang driver ng motorsiklo na si Arthuro Gabriel na agad namang nilapatan ng pang-unang lunas ng UNTV News and Rescue Team.
Matapos lapatan ng first aid ay agad dinala ng rescue team ang biktima sa East Avenue Medical Center (AVMC) at ipinaalam ang kalagayan nito sa kaniyang pamilya.
Ayon sa mga nakasaksi sa aksidente, mabilis ang takbo ng motorsiklo, at dahil sa lakas ng impact, nawasak nang husto ang motorsiklo.
“Biglang tumunog itong barandilyas. Nakita ko yung motor at yung tao nakataob na, ang bilis kasi ng takbo,” pahayag ni Oscar Escanio, BPSO.(Benedict Galazan / Ruth Navales, UNTV News)