SORSOGON CITY, Philippines – Patuloy pa ring nararamdaman ang malakas na hangin at pabugsu-bugsong pag-ulan sa lalawigan ng Sorsogon.
Bunsod nito, maraming puno ang nabuwal at nasirang mga pananim.
Sa kasalukuyan ay marami pa rin nananatili sa mga evacuation center dahil sa bagyo.
Humihingi naman ng suplay ng gamot ang mga residenteng lumikas dahil sa pagkakasakit ng maraming bata doon.
Marami sa mga bata roon ay maysakit gaya ng ubo, lagnat at sipon dahil sa malamig na panahon.
Bukod dito, siksikan rin ang mga evacuee sa mga evacuation center kaya’t posibleng magkahawaan sila ng sakit.
Samantala, ayon naman sa Philippine Coast Guard (PCG) ay mayroon na lamang 69 na pasahero ang stranded ngayon sa Pilar, Sorsogon.
Mayroon ding walong truck at mga bus na biyaheng visayas ang hindi pa pinapayagang bumiyahe sa Matnog, Sorsogon dahil may nakataas pang babala ng bagyo.
Sa ngayon ay wala pa namang naiulat na nasaktan o namatay sa lalawigan at tiwala ang lokal na pamahalaan na naabot nila ang target na zero casualty hanggang sa makaalis ng bansa ang Bagyong Ruby. (Sherry Ann Herrera / Ruth Navales, UNTV News)