BATANGAS, Philippines – Patuloy nang nagsasagawa ng monitoring ang head quarters ng Office of Civil Defense CALABARZON sa Camp Vicente Lim kaugnay ng Bagyong Ruby.
Bagama’t hindi pa nararamdaman dito ang epekto ng Bagyong Ruby ay agad nang nagpatupad ng pre-emptive evacuation sa 18 munisipalidad sa Batangas at Quezon, partikular na sa mga nakatira sa coastal area sa Batangas City, Lipa at Padre Garcia.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa higit 29-libong individwal ang mga nasa evacuation center ngayon sa Batangas at Quezon simula pa kahapon.
Sa Batangas, walong eskwelahan ang ginawang evacuation center habang 188 naman sa Quezon.
Bukod sa mga eskwelahan ay ginamit na rin bilang temporary shelter ang mga barangay hall.
Gumawa na rin sila ng sistema para sa mabilis na search and rescue operation at proper monitoring sakaling maging malubha ang epekto ng Bagyong Ruby.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), umabot na rin sa 244 ang stranded na mga pasahero sa Batangas Port at 157 rolling cargoes matapos ipagbawal ang paglalayag ng mga barko simula pa noong Biyernes.
Ngayong araw ay suspendido pa rin ang lahat ng klase sa buong CALABARZON region mula pre-school hanggang high school sa lahat ng private at public schools. (Sherwin Culubong / Ruth Navales, UNTV News)