LIPA CITY, Philippines – Sabado pa lamang ay nagpatupad na ng pre-emptive evacuation ang pamahalaang lokal ng Lipa City sa Batangas bilang paghahanda sa pananala ng Bagyong Ruby.
Sa kabila nito ay marami pa rin sa mga residenteng nakatira sa lawa ng Taal ang nagmamatigas at ayaw pa ring lumikas sa kabila ng babala ng bagyo.
Anila, walang magbabantay sa kanilang mga gamit at walang magpapakain sa mga alaga nilang hayop.
Giit nila, hindi sila lilikas kahit lumakas ang bagyo at sa halip ay magtatago na lang sila sa pinakaligtas na lugar sa loob ng kanilang mga bahay.
“Gawa po ng aming mga gamit ay siya po naming binabantayan, gawa ng may mahahalaga rin naman kaming gamit dito kaming magasawa po ang nakabantay,’’ saad ni Regie Makasaet, residente sa Sitio Tagbakin.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na magpapakalat sila ng mga pulis upang magbantay sa mga mahahalagang lugar.
Ang iba namang nabiktima ng Bagyong Glenda noong mga nakaraang buwan ay mabilis na lumikas nang magbigay ng abiso ang mga awtoridad sa takot na maulit ang naranasang landslide.
Maaga rin silang naghanda para manatiling ligtas mula sa epekto ng bagyo.
“Yung nangyari po noong Glenda, bale , isa rin po ako sa nasiraan ng bahay, kaya nag ano na sila na mag evacuate na, kasi nahirapan silang lumusong dati, lahat ng puno ay naka ano sa kalsada,’’ pahayag ni Josephine Martines, evacuee.
Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 100 pamilya o katumbas ng 650 indibidwal ang pansamatalang nanunuluyan sa Duhatan Elementary School. (Vincent Octavio / Ruth Navales, UNTV News)