BULACAN, Philippines – Hindi pa man nararamdaman ang epekto ng Bagyong Ruby ay nagpakawala na ng tubig ang Bustos Dam sa Bulacan.
Sa impormasyon mula kay Engr. Rodoldo German, ang general manager ng Angat River Hydro-Electric Power Plant, simula pa noong Sabado ay bukas na ang gate 1 ng Bustos Dam na umaabot ng 20 cubic meters per second.
Sa tala ng dam operator, umabot na sa 16.45 meters ang water level sa Bustos Dam na mas mataas kumpara sa spilling level nito na 15.35 meters kaya’t kinailangan na itong bawasan.
Ang Angat Dam naman ay nasa 207.70 meters na rin subalit walang plano ang pamunuan na magpakawala ng tubig dahil malayo pa ito sa spilling level na 210 meters.
Ang Ipo Dam naman ay umabot na sa 99.60 meters ang water level. 101 meters ang spilling level nito subalit sa ngayon ay hindi pa magbubukas ng gate ang dam operator dahil nanatili pa naman itong normal.
Pinawi naman ng mga awtoridad ang pangamba na posibleng bumaha dahil sa pagpapakawala ng tubig ng Bustos Dam dahil hindi naman ganoon karami ang inilalabas na tubig.
Samantala, bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng Bagyong Ruby ay sinuspindi na ni Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado ang pasok sa lahat ng antas ng mga paaralan sa lalawigan. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)