MANDAUE CITY, Philippines – Umabot sa labindalawang bayan sa northern Cebu ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Ruby nitong nakaraang araw.
Bunsod nito, isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan upang magamit ang calamity fund at mapondohan ang relief operations sa mga naapektuhan ng bagyo.
Umaabot sa P77 million ang pondo ng Cebu province, at P30 million dito ang nakalaan sa disaster response.
Samantala, nagpapatuloy ang isinasagawang repacking ng mga food packs ng Department Of Social Welfare and Development (DSWD-7) para sa mga nasalanta ng bagyo.
Inihayag kanina ni Shalane Marie Lucero, Assistant Regional Director for Operations ng DSWD-7, na target nila na makapag-repack ng 50-libong food packs sa loob ng isang araw.
Katulong ng DSWD ang Philippine Air Force at ang Philippine Navy sa pagpapadala ng mga relief goods.
Sa ngayon ay nangangailangan ng karagdagang MMDA volunteers ang DSWD-7 para mas mapabilis ang kanilang pagpapadala ng tulong sa Eastern at Central Visayas. (Naomi Sorianosos / Ruth Navales, UNTV News)