MANILA, Philippines – Umuwi na sa kani-kanilang mga tahanan ang mga evacuee mula sa ilang barangay ng Marikina at Quezon City matapos alisin ng PAGASA ang storm signal sa buong Metro Manila.
Tinatayang aabot sa mahigit dalawang daang pamilya ang pansamantalang nanuluyan sa covered court ng Barangay Bagong Silangan sa Quezon City dahil sa banta ng Bagyong Ruby.
Ayon kay Kap. Crissel Beltran, hindi naging mahirap para sa kanila na ilikas ang mga residente dahil sa kooperasyon ng mga ito.
“Napakabait naman pag sinabi nating lumikas, lumilikas naman sila,” saad nito.
“Kahit wala pa pong nangyayari, pinapuntahan na kami sa mga lugar namin, pinaakyat na po kami,” pahayag naman ni Loida Ega, isa sa mga evacuee.
Kuntento naman ang mga residente sa evacuation center, dahil sa maayos na pagsaludar sa kanila ng mga baranggay officials at sa lahat ng mga grupong tumulong sa kanila.
Ayon kay Mary Grace Monares, “Nagbibigay naman po sila dito ng sapat na pagkain.”
Samantala, nagdesisyon na rin ang mga evacuee ng Barangay Malanday sa Marikina City na magbalik na sa kanilang mga bahay dahil bumubuti na ang panahon ngayong araw ng Martes.
Nitong Lunes ay napuno ng mga evacuee ang covered court dahil sa ginawang forced evacuation ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa mga residenteng nakatira malapit sa ilog at sa mababang lugar.
Mahigit isang libong pamilya ang nailikas ng lokal na pamahalaan.
Nagpapasalamat naman ng lokal na pamahalaan dahil hindi tumaas ang lebel ng tubig sa ilog ng Marikina. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)