MANILA, Philippines – Balik sesyon na ang senado ngayong araw ng Martes matapos suspendihin nitong Lunes dahil sa Bagyong Ruby.
Batay sa Reference of Business ng Senado, isasalang sa third reading ang Senate Bill 2282 o Fair Competition Act.
Si Senador Bam Aquino ang sponsor ng panukala.
Sunod namang tatalakayin ang Senate Resolution No. 1039 ni Senador Lito Lapid o ang pagkilala ng Senado kay Jamie Herrel sa pagbibigay karangalan nito sa bansa sa prestihiyosong Miss Earth 2014 noong November 29, 2014 sa University of the Philippines sa Quezon City.
Bibigyang pagkilala naman ng senado sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 1045 si Francisco Sionil Jose dahil sa konstribusyon nito sa literature at journalism.
Sasalang rin sa plenary ang committee report ukol sa House Bill 3917 o ang panukalang taasan ang bilang ng mga miyembro ng sangguniang panlungsod ng Biñan Laguna. Mula sa kasalukuyang sampu ay plano na gawin itong labingdalawa.
Si Senador Bongbong Marcos ang sponsor ng panukala.
Pangungunahan naman ni Senador Pia Cayetano sa plenaryo mamaya bilang sponsor ng Senate Bill 332 o ang panukalang ideklarang special non-working holiday taon-taon ang November 20 bilang National Children’s Day. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)