MANILA, Philippines – Bababa ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company o Meralco ngayong buwan ng Disyembre.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, 19 centavo per kilowatt hour (kWh) ang mababawas sa generation charge at sa iba pang bayarin na nasa electric bill ng kanilang mga consumer.
Dagdag nito, ang mababang demand at ang madalang na maintenance shutdown ng mga planta ang dahilan ng pagbaba sa singil sa kuryente ngayong buwan.
“Yung kasalukuyan pong generation charge ang pinakamababa ngayong taon and it marks the first time since October of 2013 that the gen-charge went below the five pesos per kilowatt hour range.”
Ibig sabihin, ang isang sambahayan na komokonsumo ng 200 kWh kada buwan ay makakatipid ng P38.00 sa kanilang bill, habang ang komokonsumo ng 300 kWh kada buwan ay makakatipid ng P57.00.
Ang nangyayari ngayong taon ay halos kabaligtaran ng nangyari noong Nobyembre at Disyembre noong 2013, kung saan umabot ng P4.00 hanggang P5.00 ang madadagdag sana sa bill ng mga consumer na hinarang naman ng Korte Suprema.
Malaki rin ang naging ambag ng malamig na panahon sa pagbaba ng konsumo ng mga tao sa kuryente, kasabay ng pagbaba ng halaga ng pinagbibiling kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.
Mababa rin ang halaga ng nakukuhang enerhiya sa Malampaya ng mga plantang gumagamit naman ng natural gas.
Maging ang uling na panggatong na ginagamit ng mga coal fired power plant ay mababa na rin ang halaga.
Inaasahan naman na malaki rin ang magiging ambag ng tuloy-tuloy na pagbaba ng halaga ng produktong petrolyo sa pagbaba ng singil sa kuryente sa susunod na taon.
Nito lamang nakaraan ay nagrollback ang malalaking oil companies ng mahigit dalawang piso sa presyo ng diesel at gasolina.
“Sa susunod na buwan natin makikita kung may epekto ang pagbaba ng oil prices sa presyo ng natural gas galing Malampaya,” pahayag ni Larry Fernandez, Utilities and Economics Head. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)