Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

NDRRMC, kuntento sa ginawang paghahanda at pagresponde ng lokal na pamahalaan sa Bagyong Ruby

$
0
0

FILE PHOTO: NDRRMC Executive Director Usec. Alexander Pama (UNTV News)

MANILA, Philippines – Upang hindi na maulit ang sinapit sa Bagyong Yolanda, naging mas maaga at madalas na ang pagbibigay ng impormasyon at update ng pamahalaan sa pamamagitan ng media.

Sinimulan ito nang makipagpulong si Pangulong Benigno Aquino III sa NDRRMC noong nakaraang Huwebes, upang alamin ang kahandaan ng mga ahensya ng pamahalaan sa paparating na bagyo.

Nagpadala rin ang national government ng frontline team sa mga unang sasalantain ng bagyo tulad ng Eastern Samar.

Maging ang DOST-PAGASA ay inilunsad ang kanilang storm chaser.

Sa pamamagitan nito, makakatiyak ang pamahalaan na sila ang personal at pangunahing makakapag-estimate ng pinsalang dulot ng itinuring na super typhoon Hagupit ng ibang foreign meteorological agencies, samantalang tinagurian namang Bagyong Ruby sa ating bansa.

Simula pa noong nakaraang Biyernes hanggang kahapon, mula sa mahinahon hanggang sa sapilitang pagpapalikas ay naging pare-pareho ang aksyon ng mga lokal na pamahalaan.

Ang tiyaking mailikas sa ligtas na lugar o evacuation centers ang mga nasa danger zones.

Karamihan naman sa ating mga kababayan ay kusa nang nagtungo sa mga evacuation center dahil sa kanilang mga naranasan sa mga nagdaang kalamidad.

Maaga na rin ang pag-aanunsyo ng gobyerno sa suspensyon ng mga klase sa paaralan, maging sa mga tanggapan ng gobyerno.

Dagdag pa rito, nakapwesto na rin ang iba’t ibang grupo at kagamitan para sa disaster response at rescue units, gayun din ang relief goods para sa mga apektado ng kalamidad.

Makalipas ang tatlong araw na pananalasa ni Ruby sa Eastern Visayas, Bicol Peninsula, Southern at Central Luzon, kumpyansa ang pamahalaan na naging sapat ang kahandaan ng mga local chief executives kumpara noong nananalasa ang Bagyong Yolanda.

Bunsod nito, kuntento ang NDRRMC sa naging aksiyon ng mga lokal na pamahalaan sa panawagan ng national government.

“I’m happy with the way the people show their cooperation and the way how the locale government units and practically the stakeholders reacted and acted and even pre-acted on our preparations,” pahayag ni NDRRMC Executive Director Usec. Alexander Pama.

Ayon naman sa Malakanyang, prayoridad nila ngayon ang relief goods distribution.

Inihayag rin ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na kinansela na rin ng Pangulo ang kaniyang pagpunta sa South Korea sa December 11.

“The decision to skip the 25th ASEAN-ROK Commemorative Summit was made because the president wanted to stay in the country to continue to focus on efforts in the aftermath of Typhoon Ruby.” (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481