MANILA, Philippines – Simula nitong Lunes ay nagsimulang tumaas ang presyo ng gulay at isda sa Balintawak Market matapos manalasa ang Bagyong Ruby sa bansa.
Umakyat ng P5.00 hanggang P10.00 per kilo ang presyo ng calamansi, sitaw, kamatis, petchay at carrots.
Malaki naman ang itinaas ng halaga ng talong na mula P20.00 per kilo, ngayon ay P45.00 na. Ang okra na dati ay P40.00 per kilo ngayon ay P85.00 na.
Ang presyo naman ng ampalaya na dati ay P30.00 per kilo, ngayon ay P50.00 na.
Tumaas naman ang halaga ng siling panigang ng P50, na dati ay nagkakahalaga lamang ng P10.00 kada kilo.
Ang upo na dating P8.00 kada isang piraso, ngayon ay nagkakahalaga na ng P12.00 per piece.
Nagtaas din ang halaga ng spinach na dating P30.00 per kilo ngayon ay nagkakahalaga na ng P60.00.
“Eversince naman kapag ka bumabagyo tumataas, kaya inaasahan namin kapag bumabagyo tumataas,” pahayag ni Aling Delia Pascual, tindera sa Balintawak Market.
Tumaas din ang presyo ng mga isda, gaya ng bangus na dating P120.00, ngayon ay P130.00 per kilo na.
Tumaas din ng P10.00 ang halaga ng tilapia na dati ay P50.00 per kilo, ngayon ay P60.00 na.
Ayon kay Aling Vina, mahigit ng 20 taon siyang nagtitinda ng isda at inaasahan niyang tataas pa ang presyo ng mga ito lalo na kapag nananalasa ang bagyo.
“Pagka tumaas pa iyan ng P140 pagka-ganyan na umuulan dahil walang makukuhang isda.”
Una ng ipinayo ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala na huwag tangkilikin ang mga bilihin na masyadong mataas ang presyo.
“Sa ating mga kababayan, sakaling may mga mapagsamanatlang magtaas, huwag niyo po silang bilhan sapagaka’t wala po silang karapatang magtaas ng presyo,” saad ng kalihim.
Samantala, hindi naman nagkaroon ng price increase sa mga presyo ng karne gaya ng baboy na P170.00 per kilo, laman ng baboy na P250.00 per kilo, pata ng baboy na nagkakahalaga pa rin ng P150.00 kada kilo.
Nanatiling P135.00 naman ang presyo ng manok.
Ayon kay Mang Allan Mabalatan, posibleng tumaas din ang presyo ng mga karne.
“Tumataas din ng bahagya… wala din katay iyong iba dahil palaging umuulan.”
Hindi naman gumalaw ang presyo ng bawang na P70.00 per kilo at sibuyas na nagkakahalaga ng P40.00 kada kilo.
Umaasa naman ang ilang mamimili na huwag ng tumaas pa ang presyo ng mga bilihin dahil sa hirap ng buhay ngayon.
“Siympre hindi kami masaya dahil lahat naman tayo nagtatrabaho para sa pangangailangan natin sa pang-araw araw, so sana naman iyong mga nagtitinda hindi nila masyadong itaas ang presyo ng mga gulay para naman lahat ng tao makayanang bumili,” panawagan ni Ana Soliven, mamimili. (Aiko Miguel / Ruth Navales, UNTV News)