MANILA, Philippines – Pinakakasuhan ni dating Iloilo Representative Augusto Syjuco si Department of Budget and Management Sec. Florencio “Butch” Abad ng malversation of public funds.
Sa inihaing reklamo ni Syjuco sa Ombudsman, sinabi nito na lumabag umano sa batas si Abad dahil ideneklara na ng Korte Suprema na unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Syjuco, mahigit 29-bilyong piso mula sa DAP ang nailagay sa labingtatlong proyekto. Labing isa sa mga proyekto ay naimplementa sa kabila ng unconstitutional ang DAP.
September naman ng nakaraang taon nang ihayag ni Sen. Jinggoy Estrada sa Senado na may ilang senador umano ang nabahaginan ng DAP fund sa kasagsagan ng impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Kinumpirma naman ni Abad na may ilang kongresista na nakatanggap ng pondo ng DAP ngunit para sa mga proyektong inindorso nila.
Dahil sa mga naturang impormasyon, naglabasan ang mga reklamo laban sa kalihim.
Ayon kay Syjuco, dapat makasuhan sa Sandiganbayan si Abad ng malversation of public funds at technical malversation at iba pang DAP crimes dahil sa paglaan ng pondo ng gobyerno sa mga proyekto na hindi naman dumaan sa approval ng kongreso.
Binanggit rin ni Syjuco na lumabag sa konstitusyon si Abad dahil sa kontrobersyal na depenisyon ng DAP bilang savings na kinuha mula sa mga un-programmed funds at mga proyekto na hindi pa natapos.
Sa kabila ng mga batikos, hindi naman nababahala si Sec. Abad sa inihaing reklamo laban sa kanya.
Aniya, “Kailangan pa bang magcomment dyan, well you know he files cases left and right without studying it so I don’t think we should pay attention to that.”
Bukod sa naturang kaso, nahaharap din si Abad sa kasong plunder na nauna nang inihain sa Ombudsman ng Kabataan Partylist. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)