MANILA, Philippines – Dalawang magkasunod na power ballad genre ang tinanghal na “song of the year” sa kasaysayan ng A Song of Praise (ASOP) Music Festival.
Ngayong taon ay may posibilidad na muling makapasok ang ganitong genre dahil sa pagkapanalo ng awiting “Dakila Ka Ama” sa unang weekly round ng Disyembre noong Linggo.
Nalampasan pa ang expectation ng kompositor na si Ella Mae Septimo sa naging rendisyon sa kanyang obra ng baguhang biritera na si Ruth Regine Reyno.
“Sobrang na-satisfy po talaga ako kasi alam ko po na magaling po talaga siya (Ruth Regine), pwede na po siya sa delivery ko,” saad ni Ella Mae.
“Sobrang happy ko po kasi kahit papaano ‘yun po na-satisfy po si Ate Ella tsaka ‘yun po excited po ako for monthly finals,” saad naman ng singer.
Dinaig ng “Dakila Ka Ama” ang mga awiting “Sa Piling Mo Ama” ni Myra Mosuela na inawit ng band vocalist na si Neil Pacheco at “It’s Never Be Enough” ni Bernadette Anne Pestanas sa interpretasyon ng soul/R&B singer na si Solomon “Sol” Glass.
Sa kauna-unahang pagkakataon naman ay nagsama sa judge’s table ang magkabiyak na singer na sina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado, kasama ang regular na huradong si Doktor Musiko Mon Del Rosario. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)