SAN FERNANDO CITY, Philippines – Kasabay ng selebrasyon ng Human Rights Week, iniulat ng Commission on Human Rights (CHR) ang dumaraming kaso ng human rights violation sa Central Luzon partikular na ang kaso ng torture.
Ayon sa datos ng CHR, taong 2013 ay nakapagtala sila ng 187 HRV cases, kung saan pinakamarami rito ang torture na may 13 kaso.
Mula naman Enero hanggang Nobyembre 2014 ay nakapagtala na ng 173 kaso ng paglabag sa karapatang pantao, kung saan labing anim dito ay kaso ng torture.
Nangunguna ang lalawigan ng Pampanga na may siyam na kaso ng torture, sumunod ang lalawigan ng Bulacan na may apat na kaso.
Ayon kay CHR Regional Director Atty. Jasmine Navarro-Regino, karamihan sa mga nagrereklamo ay ang mga naaresto ng Philippine National Police (PNP).
Ilan sa mga intelligence personnel ng PNP ang kinasuhan ng torture dahil sa umano’y pambubugbog ng mga ito.
Ayon kay Navarro, mahalaga ang pagkakaroon ng oryentasyon sa mga pulis upang maisawan na ang mga ganitong insidente. (Joshua Antonio / Ruth Navales, UNTV News)