MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na epektibo na ngayong araw ng Huwebes ang minimum fare sa jeep.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Winston Ginez, sa halip na P8.50 ay magiging P7.50 na lamang ang pasahe sa jeep sa buong Metro Manila.
“Ito po ay effective immediately ang gawin po natin muna pansamantala habang hindi pa nakukuha ang fare matrix ay ang kasalukuyang fare matrix na naka-post sa kanilang jeep bawas lang ng bawat piso ang babayaran.”
Sa mga estudyante at mga senior citizen ay mayroon pa ring 20% discount kaya P6.00 na lamang ang kanilang pamasahe.
Ibinatay ng LTFRB ang desisyon sa patuloy na pagbaba ng presyo ng petrolyo na umabot na ng halos dose pesos simula pa noong Oktubre.
Noong taong 2008 ng nasa P35.00 ang halaga ng diesel, P7.50 ang minimum fare, noong 2011 naman ng maging P37.00 ang diesel ay nasa P8.00 ang minimum fare, ngayong 2014 ng umabot sa P43.00 ang diesel ay naging P8.50 naman ang minimum fare.
Subalit nilinaw ng LTFRB na ang bawas pasahe ay para sa mga jeep lamang sa Metro Manila at ang mga nasa probinsya ay kailangan pang magsagawa ng mga pagdinig.
Tinanggap naman ng mga jeepney operator ang desisyon, subalit hiniling nila na sana ay magkaroon ng sapat na panahon upang ito ay maipaalam sa lahat ng mananakay.
Ayon kay PISTON President George San Mateo, hindi sapat na maipalabas lamang ito sa telebisyon.
“Bakit po? Hindi lahat makakapanood ng palabas na ito, yung makapanood ngayong tanghali magugulat na 7.50 na lang kasi rollback, yung driver na hindi pa nakapanood sasabihin 8.50 sasabihin nung pasahero hindi, kailangan may lead time bakit ayaw mag anunsyo ng LTFRB ng petsa.”
Iba-iba naman ang naging reaksyon ng ilang jeepney driver.
Ayon kay Glenn Prado, “mahirap magpataas ng pasahe kasi, matagal, kasi ang dami anu di katulad ng pagbaba ng diesel madali lang.”
“Dapat singkwenta lang muna, hindi agad piso mamaya tumaas agad diesel pano mababawi yan di ba,” saad naman ni Richard Cosme.
Masaya naman ang mga commuter sa naturang desisyon. Anila, matagal na nilang hinihintay ang bawas pasahe at napapanahon nang ibigay ito ngayon.
Ayon kay Aling Violy Vargas, “tama lang lalo na pag senior ang laki ng bawas sa min, six lang ngayon eh di okey mas maganda makakatipid kami.”
“Kahit papaano yung piso malaking tulong sa mahihirap katulad ng mga commuters pabor na pabor kami dyan,” masayang pahayag ni Lloyd Abinoja.
Maging ang Malakanyang ay natuwa sa desisyon ng LTFRB.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Usec. Abigail Valte, napapanahon ang rollback sa pasahe sa jeep.
Sinabi naman ng LTFRB na maaari na ring magfile ng petisyon for fare reduction para sa mga bus at taxi.
Nilinaw rin ng ahensya na ang bawas pasahe ay provisional lamang o maaaring mabawasan o madagdagan pa, kaya muling nagtakda ang LTFRB ng pagdinig hinggil sa petisyon sa susunod na taon. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)