MANILA, Philippines – Huli ang ilang taxi driver sa isinagawang operasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong araw ng Biyernes.
Bahagi ito ng Oplan: Isnabero ng LTFRB na naglalayong maproteksyunan ang mga pasahero na sumasakay ng taxi.
Tuwing holiday season, tumataas ang bilang ng mga reklamong natatanggap ng ahensya hinggil sa mga abusadong taxi driver.
Limampung porsyento dito ay tumatanggi ang mga driver na maghatid o magsakay ng pasahero.
Pangalawa ay mga driver na naniningil ng sobra o overcharging, at pangatlo ay rude behavior o hindi magandang paguugali.
Papatawan ng parusa at multa ang sinomang mahuhuling tumatangging magsakay ng pasahero.
P10,000 sa unang paglabag, P15,000 at suspensyon ng lisensya sa ikalawang paglabag, at P20,000 at kanselasyon ng lisensya para sa ikatlong paglabag.
Ayon kay LTFRB Public Relations Head Arnel Del Rio, bawal tumangging magsakay o mamili ng pasahero ang mga taxi driver.
Paliwanag nito, nakasaad sa mga prangkisa nito na pumapasada o nag-ooperate sila kahit saang lugar maliban kung gagarahe na.
“Walang pagkakataon na hindi sila dapat isakay ng taxi maliban dun sa sinabi ko kaninang mag car barn na sila.”
“Kung hindi lang sana traffic, hindi kami tatanggi sa pasahero sana maunawaan nyo yan,” paliwanag naman ng taxi driver na si Eugene Herardo.
Hinikayat naman ng LTFRB ang mga pasahero na magreklamo sa kanilang tanggapan sakaling makaranas ng pangaabuso mula sa mga taxi driver.
Maaari ding magamit na ebidensya laban sa mga taxi driver ang video.
Ilan sa mga pasahero ang nag-post ng video sa social networking site ng mga naranasan nilang maling trato sa kanila ng mga taxi driver.
Pasahero: Dapat kasi may panukli ka
Commuter: Sinabi ko na sa inyo wala ako panukli, kung may panukli ako dapat sinkulian ko na kayo.
Pasahero: Dapat po kasi handa po kayo.
Driver: Malay ko bang limang daan pera nyo.
Pasahero: Talagang pong hindi kayo nag me-metro?
Driver: Pag sa airport hindi na po.
Pasahero: Bakit ganun? Lugi ba kuya pag nag metro kayo?
Driver: Ayos lang, kaya lang may lugar kasi na pagbalik mo, halimbawa lugar ng Cavite.
Pasahero: Bakit kayo nagsasakay ng ganun, mayron namang nag me-metro kuya.
Payo ng LTFRB sa mga pasahero, tandaan ang plate number ng taxi, maging ang pangalan ng taxi driver, at ang oras at araw na nangyari ang insidente na magagamit sa kanilang pag-rereport sa mga awtoridad.
Subalit ayon kay Del Rio, may mga kaso na idinudulog sa kanila na nababalewala dahil hindi sumisipot sa pagdinig ang mga nagrereklamo.
“Ang dahilan dyan hindi rin nagtutuloy-tuloy ang complainant sa complaint process kaya kung sasabihing 100 yung nag-complaint 74 sa mga ito ang hindi natutuloy sa kanilang complaint process.”
Sa mga sumbong at reklamo maaaring tumawag sa LTFRB hotline no. 459-2129. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)