MANILA, Philippines – Nakuha ni Pangulong Benigno Aquino III ang pinakamataas na approval at trust ratings batay sa November 2014 Pulse Asia survey.
59% ang nakuhang ratings ng pangulo, sumunod si VP Jejomar Binay (45%), Senate Pres. Franklin Drilon (47%), SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno (37%), at House Speaker Feliciano Belmonte Jr. (34%).
Umangat ng apat na porsyento ang approval rating ng pangulo kumpara noong Setyembre, samantalang bumagsak naman sa 21% ang rating ni VP Binay.
Itinuturing rin na most trusted official ang pangulo ayon sa survey.
Nakakuha ng 56% trust rating ang pangulo, pumangalawa ang pangalawang pangulo na nakakuha lamang ng 44% trust rating.
Umangat ng dalawang puntos ang pangulo kumpara noong Setyembre, habang bumaba naman ng dalawampung porsyento ang rating ni VP Binay.
“These latest figures show the public’s continuing confidence in our administration, which from the beginning has endeavored to bring about reform and real change in the country. From ensuring the inclusivity of growth to coordinating disaster relief and response efforts, the Aquino administration has taken great strides in safeguarding the well being of our people,” pahayag ni Presidential Spokesperson Sec. Edwin Lacierda.
Ang naturang survey ay isinagawa sa kasagsagan ng imbestigasyon ng senado sa umano’y overpriced Makati City Hall parking II building, at ang hindi pagharap ni Binay sa Senate Blue Ribbon Committee noong November 7, at pagkansela nito sa itinakdang debate kay Senator Antonio Trillanes IV.
Ayaw naman magkomentaryo ng Malakanyang sa pagbagsak ng rating ng pangalawang pangulo.
“We don’t want to put any color with it, suffice it to say that the Pulse Asia has provided the environmental landscape for the numbers, when the survey was taken so we leave it to the Office of the Vice President to comment,” pahayag pa ni Lacierda.
Ayon naman sa tagapagsalita ni VP Binay, nirerespeto nila ang resulta ng Pulse Asia survey, at nagpapasalamat ang pangalawang pangulo sa patuloy na pagtitiwala at suporta ng mamamayan sa kabila ng ginagawang paninira sa kanya ng mga kalaban sa pulitika. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)