BOCAUE, Philippines – Matumal pa rin ang bentahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan samantalang nasa kalagitnaan na ng Disyembre at malapit nang magpalit ng taon.
Ayon sa mga tindero ng paputok, kakaunti ang mga bumibili ng paputok ngayong taon kumpara noong mga nakaraang taon.
Sa kabila nito, positibo pa rin daw sila na sa mga susunod na araw ay dadami na ang bibili ng mga paputok partikular ang aerial fireworks display na ligtas gamitin kahit ng mga bata.
Kaugnay nito ay mas hinigpitan pa ang ipinatutupad na batas sa mga tindahan ng paputok.
Mula sa dating P5,000 ay umabot na ngayon sa P30,000 ang business registration fee ng mga tindahan ng paputok.
Kung dati ay dalawang fire extinguisher lamang ang requirement, ngayon ay apat na fire extinguisher na ang dapat na nakalagay sa bawat tindahan ng paputok.
Dapat rin ay may nakahandang drum ng tubig sa bawat tindahan na magagamit kung biglaang magkasunog.
Ayon kay kay BFP 3 Regional Director, Chief Supt. Alovelle Ferrer, mahigpit pa ring ipinatutupad ang ‘no smoking’ policy sa lahat ng tindahan ng paputok sa Bulacan.
“Una ang paninigarilyo malapit doon sa tindahan ng paputok, pinagiiwas din natin silang magimbak ng flammable liquid para hindi magiging sanhi ng pagsisimula ng apoy sa kanilang mga lugar.”
Nitong linggo ay sinimulan na rin ng Bureau of Fire Protection ang kanilang kampanya na ‘Oplan Paalala’ 2014, “Iwas Paputok, Sakuna at Sunog”. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)