MANILA, Philippines – Dismayado ang ilang senador sa nabistong VIP treatment sa ilang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) sa isinagawang surprised inspection ni DOJ Secretary Leila De Lima nitong Linggo.
Ayon kay Senador Bam Aquino, dapat may managot sa ginagawang VIP treatment sa ilang mga preso sa loob ng New Bilibid Prison.
Ayon sa senador, dapat tiyakin ng Department of Justice na maparurusahan ang nasa likod ng pagpapasok ng maluluhong bagay, pera at iligal na droga sa loob ng NBP.
Dagdag pa nito, hindi katanggap-tanggap ang special treatment na ibinibigay sa ilang bilanggo na dapat ay pinagsisilbihan ng mga ito ang parusang iginawad sa kanila.
Para naman kay Senador Serge Osmeña III, dapat nang magkaroon ng balasahan sa mga pinuno at kawani ng New Bilibid Prison.
Nais rin nitong masampahan ng kaso ang mga dati at kasalukuyang opisyal na mapatutunayang responsable sa tinatamasang marangyang pamumuhay ng mga nakakulong sa NBP.
Hindi rin naniniwala ang senador na walang sabwatan na nangyayari kaya nagkaroon ng ganitong pangyayari sa NBP.
Aniya, “Sigurado, sigurado naman, sabihin mo sa akin na hindi alam ng prison head or warden o Bureau of Correction ah, di ako maniniwala dyan.”
Naniniwala naman si Senador JV Ejercito na marami pang dapat gawin upang matupad ang tuwid na daan o reporma sa mga ahensya ng pamalaan.
“Ibig sabihin kung ito’y nangyayari dito pa lamang sa Bilibid na marami ng nakakalusot dahil sa mga palakasan eh siguro mas marami pang nakakalusot sa palakasan sa labas.”
Pabor rin si Senador Ejercito na kung mapatunayang may pagkukulang ang mga namamahala sa NBP ay dapat agad itong alisin sa pwesto.
Ayon naman kay Senador Chiz Escudero, balewala ang modernization law sa Bureau of Correction (BuCor) kung ang sistema naman ay pamumunuan ng mga tiwaling opisyal ng NBP. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)