MANILA, Philippines – May ilang probisyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) na hindi malinaw dahil sa magkakaibang interpretasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Justice Secretary Leila De Lima, kabilang rito ay ang usapin ng kustodiya at depinisyon ng “extraordinary circumstances”.
“Pareho naman nagwo-work within the preview of the VFA, nagkakaroon lang ng pagkakaiba sa pag-iinterpret. May isang provision which says that in extraordinary circumscumstances, we request for the custody and they shall consider. So sa extraordinary circumscumstances pa lang hindi na nag-a-agree, walang definition.”
Nitong Miyerkules ay hindi pinagbigyan ng US Embassy ang hiling ng Pilipinas na makuha ang kustodiya ni Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na suspek sa pagpatay kay Jeffrey Laude alyas Jennifer sa Olongapo City noong Oktubre.
Ngunit pagtitiyak ni De Lima, maoobliga ang Estados Unidos na ibigay ang kustodiya ni Pemberton kung convicted na ang US Marine.
Maaari pa naman aniyang muling hilingin ng Pilipinas ang kustodiya ni Pemberton, subalit magdedepende pa rin sa US Embassy kung pagbibigyan ito.
“Ang talagang sigurado na ma-compel sila ay pag ma-convict na. Pero ganitong stages, may mga provision na subject to varying and differing interpretations.”
Sinabi pa ni De Lima na matagal nang tinatrabaho ng ehekutibo ang pag-repaso sa mga probisyon ng VFA.
Mayroon na ring mga pag-uusap ang Pilipinas at Estados Unidos hinggil sa implementing guidelines ng VFA. Ito ay bilang sagot sa panawagan ni Senate President Franklin Drilon na pagrebisa sa mga kasunduang nakapaloob sa VFA.
“Ang impel guidelines ‘til now hindi mabuo. 2-3 years na yang tinatrabaho. May certain aspects na di nagkakasundo. Provisions are prone to varying interpretations kaya kailangan ng imple guidelines,” saad pa ni De Lima. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)