MANILA, Philippines – Lalagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang batas na magtataas sa daily subsistence allowance ng mga sundalo at pulis.
Ito ang inihayag ng pangulo sa ika-79 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Sa panukalang batas, itataas ang subsistence allowance mula sa dating P90.00 ay gagawin itong P150.00 para sa mga miyembro ng uniformed service kabilang ang AFP at PNP.
“May good news nga po tayo sa inyong anibersaryo: Ang sabi sa atin ni Senate President Franklin Drilon, naipasa na kagabi sa Senado at sa Kamara de Representates ang panukalang i-angat sa P150 mula sa P90 ang subsistence allowance ng ating mga sundalo, pulis, at iba pang kasapi ng unipormadong hanay. Inaabangan na lang po natin ang panukala, at ‘pag lumapag ito sa ating mesa ay pipirmahan agad natin ito.”
Pinasalamatan ni Pangulong Aquino ang AFP dahil sa ginawang pagtulong sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at trahedyang dumaan sa bansa.
Ipinaalala rin ang pangulo sa mga miyembro ng AFP ang kanilang obligasyon sa mamamayan na gumawa ng tama at huwag magpapadala o magpapakasangkapan sa mga tiwali.
“Nalalapit na po ang 2016, at alam naman po natin na sa panahon ng halalan, talagang may mga magpupumilit pa ring gamitin kayo para sa pansariling interes. Ang atas ng taumbayan: Tungkulin nating siguruhin ang katiwasayan pagdating ng halalan. Inaasahan ang inyong hanay na manatili sa panig ng taumbayan.”
Sa anibersaryo ng AFP, muling ibinida ng pangulo ang mga reporma para sa sandatahang lakas partikular ang modernization program. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)