MANILA, Philippines – Sinabayan ng kilos protesta ang pagdiriwang ng International Migrants Day nitong Huwebes, Disyembre 18.
Mula Recto, Maynila ay nagmartsa hanggang Mendiola ang ilang militanteng grupo kabilang ang Migrante International.
Ayon sa Migrante, ang protesta sa tapat ng Malakanyang ay simbolo ng kanilang paniningil sa pangulo dahil sa kakulangan nito ng aksyon para sa kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).
“Sobra na yung 4 na taon ng pagpapabaya, sobra na yung 4 na taon na nakita na naman natin na si Pangulong Aquino ay tahimik sa isyu ng OFW,” daing ni Garry Martinez, chairperson ng Migrante International.
Sa tala ng Migrante, anim na OFW na ang nahatulan ng bitay sa termino ni Pangulong Aquino, habang nasa 123 naman ang nasa death row at marami pa ang patuloy na inaabuso sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Sa kabila nito, mataas pa rin ang deployment rate ng mga OFW. Sa ngayon ay nasa 5,000 Pilipino ang nagtutungo sa ibang bansa araw-araw upang maghanapbuhay.
Nais ng Migrante na magamit ang remittances ng mga OFW sa paglikha ng maraming trabaho upang huwag nang lumabas ng bansa ang mga Pilipino para kumita ng pera.
“Dapat magseryoso na magkaroon ng trabaho sa Pilipinas at huwag pong i-asa ang kabuhayan ng ating mamamayan sa labas,” saad pa ni Martinez.
Dagdag pa ng grupo, sa termino umano ni Pangulong Aquino nakaranas ng malaking budget cut sa OFW services.
Sa isinagawang protesta sa Mendiola, nakiisa ang lider ng Migrante chapters sa 16 na bansa at mga deligado mula Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region.
Sa pagtatapos ng protesta, ikinadena ng mga raliyista ang effigy ni Pangulong Aquino na naglalarawan anila ng pagiging modern-day slaves ng mga Filipino migrants. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)