MANILA, Philippines – Muling nagsagawa ng inspeksyon ngayong Biyernes sa New Bilibid Prison (NBP) si Justice Secretary Leila De Lima, upang tiyakin na nasunod ang kaniyang direktiba na gibain ang mga magagarang kubol ng ilang high-profile inmates.
Nito lamang nakaraang Sabado ay naunang nagsagawa ng inspeksyon ang kalihim sa NBP kung saan nadiskubre ang mararangyang kulungan at mamahaling kagamitan sa loob nito.
Kabilang sa mga nakumpiskang appliances ang air-conditioning unit, computers, flat screen TV at iba pa.
Nitong Biyernes, kabilang sa mga nakumpiska sa paghahalughog ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang flat screen TV, amplifier at electric guitar.
Nakakuha rin ng radio repeater sa kubol ni Tom Chua, at may tother namang nakita sa kubol ni Peter Co.
Sa kubol naman ng isang Hans Tan nakita ang nakatagong air-conditioned units, mamahaling bisikleta at mini gym para sa mga nagsasanay ng martial arts.
Bagama’t giba na rin ang kubol ni Herbert Colangco, pinaiimbestigahan naman ng kalihim ang isang poster nito na nag-iimbita para isang concert sa Solaire Grand Ballroom noong September 14, 2014.
“Kung totoong nagkaroon ng concert sa Resorts World, ibig sabihin nakalabas si Mr. Colangco. I don’t ever remember having authorized yung outside travel ni Mr. Colangco. Kung mapatunayan na nagkaroon talaga ng concert, walang authority yun so panibagong imbestigasyon na naman,” pahayag ni De Lima.
Kumbinsido naman ang kalihim na may mga nakatago pang kontrabando sa loob ng New Bilibid Prison kaya pinulong din nito ang lider ng mga gang dito.
Sa pag-uusap, binigyan ng ultimatum ni De Lima ang lider ng mga gang sa NBP na boluntaryong ilabas ang mga nakatago pang kontrabando.
“Ang pinaka-target namin na mga kontrabando would be drugs, drug paraphernalia, cash and firearms and ammunitions. Lalo na firearms and ammunitions inuulit ko po sa kanila o sinabi ko sa kanila na diyan naaalarma ang Pangulo at ang instruction talaga ng Pangulo alamin nang husto saan nanggaling ang firearms na yan, bakit nakapasok yan at hanapin pa ang ibang firearms na baka nga mayroon pa.”
Ayon pa sa Kalihim, muli silang magsasagawa ng inspeksyon sa NBP kung hindi makikipagtulungan ang mga bilanggo.
Sa ngayon ay tinatapos na rin ang show cause order sa mga tauhan ng NBP upang magpaliwanag sa nabunyag na maggagarbong kubol at talamak na bentahan ng droga sa loob nito.
“Kung hindi nila masagot ng maayos formal administrative proceedings which could lead to dismissal,” banta ng kalihim.
Handa naman ang mga kawani ng NBP sa gagawing hakbang ng justice department.
“Kung sasabihin po ng nakakataas sa akin na ako’y mag-leave, magle-leave po ako,” pahayag ni Supt. Celso Bravo, Assist. Director for Operations ng NBP. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)