MANILA, Philippines – Naniniwala si Pangulong Benigno Aquino III na marami ng nagawang accomplishment ang kaniyang administrasyon sa nakalipas na apat at kalahating taon.
Ito ang inihayag ng pangulo sa isang pagtitipon ng mga kabataan nitong umaga ng Biyernes sa Quezon City.
Ilan sa malalaking accomplishment na ibinida ng pangulo ang Manila North at Manila South Expressways connector.
“May tinatawag na connector ng Manila North at Manila South Expressways, ipinangako po ito 1976 pa siguro sa mga panahong iyon baka nagde-date pa lang ang inyong mga magulang, ngayon sa wakas pagkatapos ng ilang dekada nakikita na ninyo ang construction ng Manila Skyway stage 3.”
Dagdag ng pangulo, sa oras na matapos ang 13.4 kilometers connector road, malaki ang maitutulong nito upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila partikular na sa Edsa at C-5 road.
Sa kabila nito, inihayag ng pangulo ang kaniyang mga kinatatakutan sa pagpasok ng panibagong taon, kabilang rito ang pananalasa ng mga kalamidad, katulad ng mga malalakas na bagyo at lindol.
“We get visited by 20 typhoons a year. One of the fears is, when we get a combination of something like Yolanda or Haiyan, combined with an explosion of — well, so many volcanoes that are active and then perhaps we will also have an earthquake like we had something similar in 2013, will we be able to cope with all of that?”
Kaalinsabay nito, nanawagan rin ang pangulo sa mga kabataan na makibahagi at tumulong sa mga ginagawang reporma ng pamahalaan para na rin sa kanilang kinabukasan at kapakinabangan ng bansa. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)