MANILA, Philippines – Hindi pabor si Senator Grace Poe na taasan ang pamasahe sa MRT at LRT.
Sinabi ni Poe na umaabot sa P4.6 billion ang inaprubahang pondo ng kongreso para sa subsidy ng MRT, bukod pa ang pondo para sa pagkukumpuni sa mga sirang tren.
“Ako talaga nalulungkot ako. Ako’y tutol dito sa pag-increase nila sa tingin ko hindi nararapat, at mali talaga ang timing at kulang sa sensitivity.”
Nito lamang nakaraang linggo ay nagsagawa ng pagdinig ang Senado ukol sa mga nangyayaring aberya sa MRT.
Sa nasabing pagdinig, iniulat ng Senate Public Services Subcommittee on Transportation na batay sa nakuha nilang datos, binigyan ng gradong 3.8 (conditional failure) ng mga pasahero ang operasyon ng MRT dahil sa mga sira-sira nitong pasilidad.
Ayon kay Poe, bukod sa mga naunang grupo na nagpahayag ng pagtutol sa fare increase hindi siya magtataka kung may mga sumunod pa.
Sinabi ng senador na dapat munang ayusin ang operasyon ng MRT bago magpatupad ng increase sa pasahe.
“Tinutulak namin na ayusin muna ninyo yung sistema, siguraduhin muna ninyong ligtas ang mga mananakay bago ninyo sabihin na tataasan ang presyo ng pamasahe.”
Dagdag pa ni Poe, walang binangit ang mga opisyal ng MRT noong nakalipas na pagdinig ng Senado na ipatutupad na nila ang pagtaas ng pasahe sa Enero. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)