MASBATE CITY, Philippines – Daan-daang motorista at mga pasahero ang stranded ngayon sa Masbate dahil sa pag-apaw ng ilog sa Baranggay Banadero sa bayan ng Mobo, Masbate bunsod ng patuloy na pag-ulan dulot ng Bagyong Senyang.
Madaling araw kanina nang rumagasa ang flashflood sa bgy. Banadero kaya’t hindi madaanan ang pansamantalang dinadaang tulay.
Kahit mapanganib tumawid sa malakas na ragasa ng tubig ay pinipilit ng ilang motorista na makatawid gamit ang lubid na inilagay ng lokal na pamahalaan ng Mobo.
Ang iba naman sumasakay sa balsa na yari sa kawayan upang makauwi sa kani-kanilang bayan.
Ayon sa mga stranded na pasahero, galing pa sila ng Maynila at umuwi lamang upang humabol sa bakasyon ngayong pagpapalit ng taon.
Ilan sa nakausap ng UNTV News ay nilalamig na dahil sa tagal na paghihintay sa bangka.
Ang iba namang may dalang motorsiklo ay umuupa ng isandaang piso upang buhatin at maitawid sa rumaragasang agos ng tubig.
Nakabantay naman ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang umasiste sa mga motoristang tumatawid.
Buwan ng Oktubre 2013 nang simulang kumpunihin ng DPWH ang tulay sa bayan ng Mobo.
Samantala, hindi pinahintulutan ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumiyahe ang dalawang roll-on roll-off vessel at dalawang fast craft at lahat ng motorized banca sa Masbate City Port dahil sa malalakas na pag-alon dulot ng Bagyong Senyang. (Gerry Galicia / Ruth Navales, UNTV News)