MANILA, Philippines — Makatatanggap ng insentibo ang mga pulis pagpasok ng 2015.
Nai-release na ng Department of Budget and Management ang P1.3 bilion para sa Performance-Based Bonus (PBB) ng mga tauhan at opisyal ng PNP.
Ayon kay PNP-PIO Chief P/CSupt. Wilben Mayor, i-a-assess ng pamunuan ng PNP ang naging performance ng mga pulis sa kategoryang good, better at best.
“Ibibigay ito sa January 6 doon sa ATM at yung wala pang ATM ay itsi-cheque nila. Naka-base ito sa performance evaluation ng bawat pulis.”
Sinabi pa ni Mayor na ang Performance-Based Bonus (PBB) ay bukod pa sa naunang Productivity Enhancement Incentive (PEI) na limang libong piso bawat isa para sa 150,000 tauhan ng PNP.
Ibinigay naman ito kasabay ng sweldo noong Dec.15-30.
“Natanggap na yung five thousand. Natanggap na yung 13th month pay sa January 6, meron pa.”
Ang PBB ay matatanggap ng mga pulis sa pamamagitan ng kanilang ATM .
Ang Productivity Enhancement Incentive (PEI) at Performance-Based Bonus (PBB) ng mga pulis ay bukod pa sa 13th month pay na itinatakda ng batas. (LEAH YLAGAN / UNTV News)