MANILA, Philippines – Lalo pang titindi ang lamig na mararanasan sa Luzon sa mga susunod na araw dahil sa epekto ng northeast monsoon o hanging amihan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), naitatala ang mas mababang temperatura tuwing madaling araw.
Katulad na lamang noong Enero 2014 na umabot sa 16 degrees celsius ang temperatura sa Metro Manila, habang bumaba naman ng 6 degrees celsius sa Baguio City.
Mararanasan ang pinakamalamig na pahanon mula sa katapusan ng Enero hanggang sa kalagitnaan ng Pebrero.
Subalit mararamdaman pa rin ang cold weather hanggang sa unang linggo ng Marso.
Ipinaliwanag naman ni Alvin Pura, ang Weather Forecaster ng PAGASA kung bakit sobra ang lamig tuwing buwan ng Enero.
Aniya, “sa paghaba ng araw, unti-unti ring matutunaw yung yelo sa Siberia China at pagdaan ng amihan ibinubuga ng amihan yung malamig na hangin mula sa Siberia, China papunta sa’tin kaya nagiging malamig po ang ating northeast monsoon o amihan.”
Samantala, nagpaalala naman ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat sa mga sakit na maaaring makuha sa panahon ng tag-lamig gaya ng lagnat, ubo, sipon at trangkaso.
Ayon kay Dr. Lydon Lee Suy, tagapagsalita ng DOH, dapat magkaroon ng balanced diet, huwag manigarilyo at uminom ng alak.
Mas mainam rin na magsuot ng makakapal na damit ngayong taglamig.
Hinikayat rin nito ang publiko na palakasin ang immune system.
“Dahil sa lamig ng panahon medyo tinatamad tayong gumalaw, kumilos, na nagkakaroon ng kadahilanan para hindi mag-exercise para hindi ituloy na dapat ginagawa at hindi nababantayan yung ating sistema yung ating health. So nakakadagdag din ito sa problema sa pangkalahatang kalusugan natin,” ani Dr. Dr. Lydon Lee Suy. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)