MANILA, Philippines – Hindi man nanalo sa isang international singing competition franchise ang mang-aawit na si Philippe Go, naipasa naman niya sa panlasa ng mga hurado ang kanyang interpretasyon sa awiting “Sa Pangalan Mo” sa A Song of Praise Music Festival (ASOP), Linggo ng gabi.
Itinuring ng singer na isang biyaya ang pagkasama niya sa naturang programa.
“Actually, mas naka-relieve sa akin and then blessing talaga siya. Salamat sa blessing sa akin noong 2014 at lalo ngayon nagsisimula ang taon sa 2015, napakagandang blessing po nito. So, thank you din sa ASOP family.”
Bago pa man ang araw ng kompetisyon ay excited na ang composer na si Robert Saballa na marinig kay Philippe ang kanyang obra.
“Na-deliver niya ng maayos. Napanood ko siya eh kay sabi ko magiging maganda ‘yung pagkaka interpret niya dito,” saad ni Robert.
Tinalo ng Sa Pangalan Mo sa unang weekly round ng taong ito ang mga awiting “Tanging Sa’yo” ni Giovannie Locso na inawit ni 2014 Karaoke World Championship Philippine Champion Apple Delleva at “Dakila Ka Magpakailanman” ni John Reuben Roque na inawit naman ni 2014 WCOPA Philippine Representative Angela Aguilar.
Magkakasama naman sa judge’s panel sinaDoctor Musiko Mon Del Rosario, record producer at OPM icon na si Pat Castillo at singer/composer Rannie Raymundo. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)