MANILA, Philippines – Isa ang patay, habang labing siyam ang sugatan sa nangyaring pagsabog sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nitong umaga, Huwebes.
Alas-4 ng hapon nang kausapin ni Justice Secretary Leila De Lima ang mga gang lider upang iharap sa kanila ang suspek sa pagpapasabog.
Nagbanta rin ang kalihim na isasailalim sila sa disciplinary action at sususpindihin ang kanilang visitation rights kung hindi ilalabas ang may kagagawan sa insidente.
Apat na oras matapos ang pagsabog, dumating si De Lima upang pamunuan ang imbestigasyon sa insidente. Nilibot nito ang kabuoan ng Maximum Security Compound at pinuntahan ang pinangyarihan ng pagsabog.
Itinuro ng mga opisyal ng BuCor ang area ng Commando Gang kung saan inihagis ang isang fragmented hand grenade.
Tinignan rin ng kalihim ang bahagi ng tambayan ng Sputnik Gang kung saan umano pinaghihinalaang nanggaling ang granada.
Kapansin-pansin na mataas ang mga bakod sa pagitan ng dalawang kalye, at ayon kay De Lima, tila expert sa paghagis ang suspek.
Ayon sa pamunuan ng BuCor, karamihan ng mga napuruhan sa pagsabog ay mga miyembro ng Commando Gang.
Pinuntahan din ni Sec. De Lima ang New Bilibid Hospital kung saan naroon ang labing-anim na sugatan. Inilipat naman sa ospital ng Muntinlupa ang tatlong nasa kritikal na kundisyon upang doon bigyan ng lunas.
Samantala, kinalala naman si Jojo Fampo, ang preso na namatay dahil sa tama sa dibdib at mga binti.
Sa ngayon ay tatlong angulo ang tinitignan ng PNP na motibo ng pagsabog. Una ay retaliation o pagganti sa lider ng Commando Gang na umano’y tipster ng DOJ sa umano’y ilegal na gawain sa loob ng Bilibid.
Ikalawa ay ang alitan sa pagitan ng mga gang, at ang ikatlo ay ang pagsasabotahe sa mga operasyon at raid ng BuCor sa loob ng NBP.
Sa naging raid kasi ng BuCor noong huling linggo ng Disyembre hanggang nitong linggo, nakumpiska ang mahigit 400 iba’t ibang uri ng armas at deadly weapon sa loob ng mga kulungan sa Bilbid.
Kabilang sa mga ito ang ammunitions, shotguns, hand grenades at mga kutsilyo at iba pa.
Kinumpiska rin ng pamunuan ng BuCor ang mahigit 200 appliances katulad ng mga air-condition units, flat screen televisions, home theaters, refrigerators, DVD players at iba pa.
Sinabi ni Sec. Leila De Lima na under control ang kanilang operasyon sa Maximum Security Compound at patuloy ang kanilang pagpapatupad ng mga pagbabago at reporma sa sistema ng New Bilibid Prison. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)