MANILA, Philippines – Muling nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga probinsyang parte ng itinatawag na Manila Trench na maging handa sa mga posibleng lindol ngayong taon.
Ayon sa PHIVOLCS, madalas nagkakaroon ng pagyanig ng lupa sa mga lugar na sakop ng Manila Trench sa panahon na ito.
Sinabi ni Vilma Hernandez-Grennan, Senior Science Research Specialist na madalas nagkakaroon ng pagbabangga ng tectonic plates na nagreresulta sa pagyanig ng lupa.
“We cannot predict earthquakes. As of now, hindi natin nape-predict, pero itong Manila Trench ito ay very active na earthquake zone. So maya’t maya makaka-record tayo ng lindol mula dito sa Manila Trench,” paliwanag nito.
Kahapon, Linggo ng alas-3 ng madaling araw ay hindi inasahan ang nangyaring 5.9 magnitude na lindol sa Zambles at ilang karatig na probinsya.
Ang pagyanig ay naramdaman din hanggang sa ilang bahagi ng National Capital Region (NCR).
Intensity 5 ang naramdaman sa mga bayan ng San Antonio, Botolan, Subic, San Felipe, Narciso, at Olongapo sa Subic.
Naramdaman naman ang intensity 4 sa maraming bahagi ng NCR kabilang ang Pateros City, Manila, Quezon City, Parañaque, at Malabon; habang intensity 3 naman sa Tagaytay, San Miguel sa Tarlac, Nueva Ecija at Pangasinan.
Intensity 2 naman ang naramdaman sa Baguio City at Mindoro.
Bagama’t wala namang naitalang namatay, nasaktan, o nasirang mga ari-arian, iginiit ng PHIVOLCS na importante na maging handa partikular ang mga nabanggit na lugar na sakop ng fault.
“Dapat maging alert tayo kapag may lindol dapat alam natin ang ating gagawin. So kapag may lindol we should do duck, cover and hold, and make sure ang ating tinitirahan ay maka-withstand ng ground shaking,” saad pa ni Grennan. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)