MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa 120-libong mga bahay ang target na matapos ng pamahalaan ngayong 2015 para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda.
Ito ang inanunsyo nitong Linggo ni Vice President Jejomar Binay, chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council at head ng Yolanda Resettlement Cluster.
Ayon kay Binay, aabot sa mahigit 200-libong mga bahay ang target na maipatayo ng pamahalaan sa mahigit 100 mga bayan at munisipalidad na sinalanta ng Bagyong Yolanda noong 2013.
Nasa kabuoang P13.4 billion ang inilabas na pondo ng pamahalaan noong Disyembre 2014 na gagamitin para sa konstruksyon ng mahigit 46-libong mga bahay.
Naaprubahan na rin ang karagdagang budget na nagkakahalaga ng P1.3 billion para sa pagpapatayo ng karagdagang mga housing project.
Aminado si Binay na nahihirapan ang mga government housing agency na makahanap ng maayos na lugar upang mapagtayuan ng mga bahay, kung kaya’t hanggang sa ngayon ay marami pa rin sa mga biktima ng bagyo ang wala pa ring maayos na tahanan.
Sa datos ng Housing and Urban Development Coordinating Council, nasa 2,100 housing units lamang ang natapos na maipatayo noong 2014.
Katuwang ang mga regional resettlement cluster at mga alkalde sa lugar, mahigpit na tutukan ngayon ng pamahalaan ang naturang proyekto upang masiguro na matatapos ang mga nakatakdang housing projects bago sumapit ang 2016. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)