MANILA, Philippines – Na-enjoy nang husto ni Gab Maturan, ang kauna-unahang X-factor Philippines 1st runner-up at apo ng kundiman icon na si Diomedes Maturan, ang kanyang ininterpret na awit sa A Song of Praise Music Festival (ASOP), Linggo ng gabi.
Maging ang mga huradong sina Doktor Musiko Mon Del Rosario, OPM icon Pat Castillo at OPM hitmen member Rannie Raymundo ay napaindak sa feel good music na “Jesus, I Love You.”
Ito ay obra ng masayahing kompositor na mula sa Mandaluyong City na si Timothy Joseph Cardona.
“Masayang-masaya po ako. Gano’n po ‘yung dating sa kanila ng kanta ko. Sabi ko nga, parang maraming blessings. ‘Yun ‘yung nararamdaman ko kaya siguro ‘yun ‘yung lumabas na melody sa’kin,” masayang pahayag ni Timothy.
Para naman kay Gab, “Actually, ‘yung lyrics, ang ganda ng lyrics. Ang ganda talaga ng song. Medyo ganito rin kasi ‘yung gusto kong, medyo upbeat, feel good lang na mga songs. ‘yun ‘yung mga gusto kong kantahin kaya sobrang perfect nitong song na ‘to.”
Kapwa ballad genre na praise song ang dinaig ng “Jesus, I Love You”, kabilang “Ang Buhay Ko’y Sa’yo” ni Irish Joy Espinosa sa interpretasyon ng singing champion na si Jan Nieto, at ang “Ibig Mong Ako’y Makasama” ni John Kublai Matining sa rendisyon naman ng voice coach na si Rodante Boton. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)