UNTV GEOWEATHER CENTER (5pm, 01/13/15) – Isa nang ganap na bagyo ang weather system sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Nitong alas-4 ng hapon ng Martes namataan ito ng PAGASA sa layong 1,690km sa Silangan ng Mindanao.
Tagalay nito ang lakas ng hangin na 55kph at tinatahak ang direksyong pakanluran sa bilis na 19kph.
Papangalanan itong “Amang” kapag pumasok ito sa PAR Miyerkules ng gabi o sa Huwebes ng umaga at kung hindi hihina ay tatama ito sa Eastern Visayas sa araw ng Sabado.
Sa forecast naman ng weather agency, makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang Eastern Visayas, CARAGA at Davao region habang posible ring magkaroon ng biglaang pag-ulan o thunderstorms sa Visayas at Mindanao.
Dahil naman sa Amihan ay mararanasan ang mahinang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon at papulo-pulong pag-ulan sa iba pang lugar sa Visayas.
Matataas ang mga pag-alon sa mga baybayin ng Northern Luzon at Silangang baybayin ng Central at Southern Luzon hangang sa Silangang baybayin ng Visayas.
Babala ng PAGASA mapanganib na pagpalautan ito ng mga sasakyang pangisda at maliliit na sasakyang pandagat. (Rey Pelayo/UNTV News)