MANILA, Philippines – Umabot sa mahigit 20,000 pamilya ang inilikas sa probinsya ng Albay, Catanduanes, Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, Leyte, Biliran, Eastern Samar at Western Samar dahil sa Bagyong Amang batay sa huling update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Umabot rin sa 21, 867 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa Region V, VII, at Region VIII.
Sa kasalukuyan ay may kabuoang 4,976 pamilya ang nasa 61 evacuation centers sa iba’t ibang probinsya sa bansa.
Ibinilang ng NDRRMC sa mga naitalang casualties ng Bagyong Amang ang pagkamatay ni Kristel Mae Padasas, 26 taong gulang, mula sa Bicol Region na nagtamo ng fatal head injury matapos mabagsakan ng speaker na ginamit sa Papal visit noong sabado sa Tacloban.
“Which was considered a freak accident na dahil kaya natin isama ito dahil sa lakas ng hangin at nabagsakan,” pahayag ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama.
Ang isa pang nasawi na taga-Catanduanes ay kinilalang si Domingo Tableta, 59 anyos, na nalunod habang naghahanap sa kanyang nawawalang kalabaw.
Nailigtas naman ang mga mangingisda sa Culaba, Leyte na kinilalang sina Ricardo Tagayon at Erwin Tagayon nang tumaob ang sinasakyang bangka dahil sa hampas ng malalaking alon.
200 pamilya rin ang nailigtas sa naganap na landslide sa Brgy. Inang Maharang, Manito, Albay.
“Mostly naagapan naman kaagad na dahil sa mga pre-emptive evacuation na ginawa ng ating local government officials, wala tayong na-report na landslide o pagbaha,” ani Pama.
Samantala, 22 probinsya at munisipalidad sa Region 3, Region IV-A at Region V ang nagdeklara ng suspension of classes mula kindergarten hanggang tertiary level.
Habang 19 na munisipalidad naman ang nakararanas pa rin ng pagbaha sa Region V at Region VII.
32 domestic flights rin ang kinansela sa Tacloban City dahil sa sama ng panahon at dahil sa sumadsad na private plane sa Tacloban runway noong Sabado, lulan ang ilang gabinete ni Pangulong Aquino.
Naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa Quezon, Daraga, Sorsogon, Camarines Sur, Eastern Samar, Northern Samar at Western Samar.
Ayon kay Usec. Pama, nakapag-deploy na sila ng response assets para sa preemptive evacuations at rescue operations sa Region V at Region VII.
“Para makasiguro na walang mangyari sa kanila and we were successful in saying na halos wala namang casualties na natamo,” saad pa nito. (Aiko Miguel / Ruth Navales, UNTV News)