MANILA, Philippines – Personal na humingi ng paumanhin sa publiko si Cebu Pacific President and CEO Lance Gokongwei kaugnay sa mga delayed at cancelled flight na nangyari Cebu Pacific noong December 24, 25 at 26, 2014.
Kasabay ng paghingi ng public apology ay ang pag-amin nito sa lahat ng kanilang mga pagkukulang sa mga aberyang naranasan ng mga pasahero.
Umabot sa mahigit 10-libong pasahero ang naapektuhan ng aberya na naging dahilan upang pagmultahin ang nasabing kumpanya ng P52-million.
“I humbed by the trust that so many Filipinos and foreign tourist place in Cebu Pacific to take them safely to their destinations. Last Christmas, we let them down and I am profoundly sorry that we failed them,” paumanhin ni Gokongwei.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ng Civil Aeronautics Board (CAB) na sa oras na maibigay na ng Cebu Pacific ang ipinataw na multa ay hindi ito derektang mapupunta sa mga naapektuhang pasahero.
Nakasaad sa batas na ang multa ay idedeposito sa National Treasury.
Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, kung nais ng pasahero na mag-claim ng damage ay kailangan pa nilang maghain ng hiwalay na reklamo sa korte laban sa airline companies.
Hindi na umano ito sakop ng kapangyarihan ng CAB dahil ang magagawa lamang nila ay pagmultahin ang airline companies.
“We have a findings that there is a such reason for delayed that is attributable to the airlines and we have a finding that the passenger in entitled to it and the airlines will not compensate our recourses is to sanction the airlines that our authority under the law,” ani Arcilla.
Isang resolusyon naman ang binuo ng komite upang magawan kaagad ng aksyon at maibigay ang tamang kompensasyon sa lahat ng pasaherong nakaranas ng aberya noong December 24, 25 at 26.
Ayon kay Eastern Samar Representative Ben Evardone, hindi lamang ito sa flight ng Cebu Pacific kundi sa lahat ng airline companies.
“Yung natanggap ko pong mga tawag at text messages ng ating mga kababayan noong kapaskuhan ay grabe po yung galit nila their traits was really immeasurable tingin ko po hindi po yan masasagot ng I say sorry lang po,” anang mambabatas.
Samantala, tiniyak naman ng panumuan ng Cebu Pacific na gagawin nila ang lahat upang hindi na maulit ang problema.
Sa ngayon ay nagdadagdag na ng mga tauhan ang airline company, kasabay nito ang pagbubukas ng 24/7 monitoring system upang magbigay ng abiso sa mga pasahero kung magkakaroon ng delay ang kanilang flight.
Makikipagusap na rin ang Cebu Pacific sa NAIA Terminal-3 management upang magamit ang ilang check-in counters upang hindi humaba ang pila ng mga pasahero.
Magkakaroon na rin ng standby aircraft ang Cebu Pacific na magagamit ng mga pasahero upang maiwasan ang cancelled and delayed flights.
Ngayong taon ay may darating na mga bagong aircraft ang Cebu Pacific. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)