
Anakpawis Partylist Representative Fernando Hicap (UNTV News)
MANILA, Philippines – Ginunita ngayong araw ng Huwebes ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang lugar ng bansa ang ika-28 taon ng Mendiola massacre.
January 22, 1987, nasa 100-libong magsasaka na kasapi sa Kilusang Mayo Uno (KMU) ang nag-martsa patungo sa Mendiola, Maynila upang hilingin sa gobyerno na ibigay sa kanila ang mga lupang kanilang sinasaka.
Habang papalapit ang mga magsasaka, nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga riot police at mga raliyista. Makalipas ang limang minuto ay sunod-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar.
Nagtakbuhan paatras ang mga magsasaka, subalit ang ilan sa kanila ay naiwang nakahandusay sa kalsada na may tama ng bala.
Kwento ni Aling Theresita Arjona, 28-taon na siyang pabalik-balik sa Mendiola upang humingi ng hustisya sa pagkamatay ng kanyang asawang si Danilo Arjona.
Isa si Mang Danilo sa 13 mga magsasaka na namatay noong January 22, 1987 sa Mediola massacre.
Ayon kay Aling Theresita, hindi niya sasayangin ang sakripisyo ng kanyang asawa.
“Hanggang ako’y buhay ipaglalaban ko para mabigyan ng hustisya at katarungan at maipamahagi ang tunay na reporma sa lupa.”
Sa mababang kapulungan ng kongreso, isinusulong naman ng Anakpawis Party-list ang House Bill No. 252 o ang Genuine Agrarian Reform Bill.
Nakapaloob dito na ang lahat ng mga lupang hindi sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) Bill ay dapat na ipamahagi ng libre sa mga magsasaka na walang sariling lupa.
“Hangga’t hindi nasa kamay at hindi maituturing na pag-aari ng mga masasaka ang kanilang lupang sinasaka ay wala pong hustisya,” pahayag ni Anakpawis Partylist Representative Fernando Hicap.
Hindi naman tinatalikuran ng Malakanyang ang obligasyon na mabigyan ng hustiya ang mga namatay sa insidente.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., ipinagpapatuloy ng kasalukungang administrasyon ang reporma sa lupa para sa lahat ng mga magsasaka.
“Pagkatapos ng maraming dekada ay nakapagpatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Law noong administrasyon ni Corazon Aquino at pagkatapos noon ay nagkaroon ng implementasyon ng CARPER at hanggang sa kasalukuyan ay ipinapatupad ito ng Department of Agrarian Reform.” (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)