MANILA, Philippines – Ilang kaanak ng mga nasawing miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) na nasawi sa engkwentro sa Maguindanao noong linggo ang dumating sa kampo ng 6th Infantry Division ng Philippine Army nitong umaga ng Martes.
Kwento ni Jennifer Asjali, biyenan ni PO3 Jedhz-in Asjali, maaga silang bumiyahe upang makuha ang bangkay ng kanilang kaanak at maiuwi sa General Santos City.
“Actually Sunday night pa namin nalaman tapos di na makontak yung nanay nga niya di na makasalita.”
Aniya, napakabait na pulis ng kanyang biyenan at matulungin sa kapwa, kaya naman lubha nilang ikinalungkot ang pagkawala nito.
Sa kabila nito, wala naman aniya silang sinisisi sa pangyayari.
“Sobrang bait wala kang masabi kasi wala siyang bisyo, mapagbigay,” saad pa ni Asjali.
Nakuha na rin ng kaniyang mga kamaganak ang labi ni Police Senior Inspector Garry Erana at iuuwi na ito sa Zamboanga City.
Hindi naman napagbigyan ang asawa ni PO2 Roger Cordero na taga-Isulan, Sultan Kudarat na maiuwi ang bangkay nito dahil hindi pa umano ito naisasailalim sa otopsiya.
Sa ngayon, ay patuloy pa rin ang SOCO sa pag-otopsiya sa mga bangkay at hindi pa tiyak kung kailan ito matatapos. (Dante Amento / Ruth Navales, UNTV News)