MIAMI, Florida — Nakapanayam ng UNTV News si Miss Philippines Mary Jean Lastimosa, isang araw matapos ang 63rd Miss Universe pageant sa Miami, Florida.
Kwento ni MJ, kuntento at masaya siya na napasama sa Top 10 finalists ng patimpalak.
Ayon pa sa dalaga, proud Pinoy pa rin siya at nagpapasalamat sa lahat ng mga nagdasal sa kanyang laban sa Florida.
“Maraming maraming salamat sa suporta nyo and ok lang ako wag kayong magalala kasi sobrang na-enjoy ko yung experience and na-survive ko na kahit sobrang hirap ng journey na nakakapagod pero dahil nandyan kayo na-survive ko. Kaya nagpapasalamat ako sa inyo and this is an experience that I will cherish for the rest of my life.”
Kasabay nito, nanawagan si MJ sa lahat na huwag sisihin ang evening gown o maging ang national costume na gawa ng Colombian designer na si Alfredo Barraza.
Una rito, kinoronahan bilang bagong Miss Universe ang 22-year-old Colombian beauty queen na si Paulina Vega, kapalit ni Gabriela Isler ng Venezuela.
Ayon kay MJ, uuwi siya ng Pilipinas bukas at hinikayat ang ating mga kababayan na suportahan ang mga susunod pang kandidata ng bansa sa mga international competition. (RJ Alavazo / Ruth Navales, UNTV News)