MANILA, Philippines – Inalis na ng Philippine National Police Academy Alumni Association Inc. (PNPAAAI) ang pagsuporta sa proposed Bangsamoro Basic Law (BBL) at ibabalik lamang ito kapag nabigyan na ng katarungan ang mga nasawing pnp special action force sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay PNPAAI Chairman Ret. P/CSupt. Tomas Rentoy III, hindi sila naniniwala na magtatagumpay ang isinusulong na kapayapaan hangga’t hindi nabibigyan ng katarungan ang mga nasawing pulis.
“We believe that there can be no peace talk without justice for this SAF member.”
Sinabi pa ni Rentoy na idinedeklara nila ang 40 araw na pagdadalamhati sa pamamagitan ng pagsusuot ng black armband para sa kanilang mga lakan na nasawi sa madugong engkwentro.
“Alam namin na yung mga tao namin ay pumunta doon para sa isang legitimate police operations, and yet napalaban sila ay wala man lamang dumating na re-enforcement from other government troop.”
Iginiit pa ng opisyal na hihikayatin nila ang mahigit apat na libong opisyal ng PNP na alumni ng PNPA na mag-mass leave ng limang araw kapag hindi umusad ang imbestigasyon.
“That would be a strong move from us to dramatize our anger over this incident,” saad pa ni Rentoy.
Magsasagawa rin sila ng sariling imbestigasyon hinggil sa insidente sang-ayon sa gagawing inquiry ng mababa at mataas na kapulungan ng kongreso.
Kabilang sa mga lakan o alumni ng PNPA na napaslang ay sina P/SInsp. Ryan Pabalinas mula sa Class 2006, P/SInsp. Geonat Tabdi, P/SInsp. Max Jim Tria, P/SInsp. John Garry Eraña ng Class 2009, P/SInsp. Cyrus Anniban ng Class 2010 at P/SInsp. Rennie Tayrus ng Class 2011.
Tiniyak din ng pamunuan ng PNPA Alumni Association na kanilang kakasuhan ang mga pumaslang, maging ang mga mapatutunayang nagpabaya sa tungkulin na ikinamatay ng 44 na mga tauhan at opisyal ng Special Action Force. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)