MANILA, Philippines – Binigyang parangal ng Department of Health (DOH) ang ilang piling barangay mula sa MIMAROPA region na nagsusulong ng kalinisan sa kapaligiran.
Nanalo ng Best Sanitation Practices Award ang Brgy. Maniwaya ng Sta. Cruz, Marinduque, habang 2nd runner-up naman ang Brgy. Danao sa Cajidiocan, Romblon.
Consolation price naman ang tinanggap ng Brgy. Tagbac at Brgy. Binakas mula sa Lubang, Occidental Mindoro.
Ang mga nanalo ay pinili ng Regional Technical Working Group base sa mga pangunahing criteria: bilang ng mga tahanan na may sanitary facilities, may supply na malinis na tubig, at improvement sa sanitary toilet.
Ayon sa mga lumahok na barangay, malaki ang naitulong ng mga programa ng DOH para maging malinis ang kanilang pamayanan.
“Nagkaroon kami ng tubig, dati ang Maniwaya walang tubig na tabang. Iyong mga household doon ay nabigyan naman ng tig-isang bowl na 380 plus na households. At iyong pong mga basura ay aming ipinapupulot sa mga estudyante, ginagamit naming lampara para makatulong sa kalinisan ng barangay,” paglalahad ni Kapitan Francisco Principe, Brgy. Maniwaya, Sta. Cruz, Marinduque.
Ayon kay DOH Regional Director Eduardo Janairo, ang top 2 barangays na tumanggap ng P150,000 bawat isa ay kuwalipikado na sa national awards ng DOH.
“Iyong MOA signing di ba binigyan namin sila ng pondo, ito iyong tamang paggamit ng pondo, kung saan nila pwede gamitin.”
Ito ang ika-pitong taon na nagbigay ng Best Sanitation Practices Award ang Department of Health sa piling mga barangay sa buong bansa.
Ayon sa ahensya, bahagi ito ng kanilang malawakang kampanya para sa kalinisan na nakasaad sa kanilang millennium development goals. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)