MANILA, Philippines – Pasado alas-10 kaninang umaga nang bumaba sa Villamor Airbase ang tatlong C130 lulan ang 42 na labi ng SAF members na nasawi sa Mamasapano, Maguindanao noong linggo.
Nakalagay na ang mga bangkay sa metal casket at isa-isang binuhat ng mga pallbearer na mga SAF member din.
Inihilera sa grandstand ang mga caskert para sa arrival honors kung saan sinaluduhan ang mga ito ng mga matataas na opisyal ng AFP at PNP.
Pawang lungkot at pagdadalamhati ang naramdaman ng kaklase ni Police Chief Inspector Albert Jefferson Relente na si Garry Erana na isa sa nagbuhat sa labi ng kanilang class baron.
“Garry di kita bibitawan, ito lang ang maitutulong ko, pero alam ko malaki ang nagawa mo sa ating bayan,” saad nito.
Pinalapit din ang mga nagluluksa sa pamilya ng mga nasawing pulis.
Dinala na rin ang mga ito sa St. Peters Chapel upang ayusin ang bangkay at bihisan.
Ayon sa PNP, naka-focus sila ngayon sa mga tulong na ipaaabot sa mga pamilyang naulila ng mga nasawing SAF members kasama na ang pagbibigay ng scholarship sa mga anak nito.
P900 libo naman ang matatanggap ng pamilya ng may pinakamababang ranggo.
“Inaayos namin lahat ng mga financial benefits na dapat nilang matanggap, may benefits na manggagaling sa pondo ng Malakanyang, benefits na manggagaling sa NAPOLCOM at bukod pa dyan ang manggagaling sa Philippine National Police mismo,” saad naman ni PNP PIO Chief Police Chief Supt. Generoso Cerbo.
Habang kasama sa parangal na ibibigay sa mga nasawing pulis ay spot promotion, medalya ng katapangan at posthumous award. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)