Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Mga kaanak ng nasawing PNP-SAF members, labis ang pagdadalamhati

$
0
0

Isa sa mga nagdadalamhating kaanak ng isa sa mga PNP-SAF members na nasawi sa Mamamasapano, Maguindanao. (PNP photo)

MANILA, Philippines – Labis ang kalungkutang naramdaman hindi lamang ng mga mahal sa buhay kundi ng bawat Pilipinong nakasaksi sa pagsalubong ng pambansang pulisya sa 42 mga kasamahang nasawi sa madugong insidente sa Masasapano, Maguindanao.

Subalit kasabay ng pagluluksa ay nadaragdagan din ang hinagpis ng mga kaanak sa bawat balitang nasa likod ng pagkasawi ng kanilang mga mahal sa buhay.

Gaya ni Mang Noel Balacan na bagama’t tanggap na ang nangyari sa kaniyang anak ay hindi mapigilan ang panghihinayang at kalungkutang nararamdaman.

“Ang masama sa akin, tulad ng nangyari sa anak ko na sasabihin na, parang sinisisi pa sila sa mga nangyari, parang sinisisi pa sila, namatay na nga sila sa pagtatanggol sa kanilang bayan.”

Maging si Aling Ruby Sumbilla, hindi na rin napigilang sabihin ang kaniyang nararamdaman.

“Ilang oras na walang reinforcement, 8 or 10 hours ata, pinain lang sila doon. Ang sinisisi ko kung sino ang nag-utos sa kanila,” hinagpis nito.

Dagdag pa ng mga kaanak ng mga nasawing pulis, kung dati ay isang beses kada taon lang kung makapiling nila ang mga ito dahil sa kanilang misyon, ngayon ay tanging alaala na lamang ang maiiwan sa kanilang mga pamilya.

Gaya ni Ginang Ramacula na hindi na napigilang mapaiyak sa tuwing maalala ang sinapit ng kaniyang anak na si PO2 Rodel Ramacula, na maglilimang taon na sana siya sa kaniyang serbisyo.

Pangalawa siya sa limang magkakapatid na nagsisikap na maiahon ang pamilya sa kahirapan.

“Kasi parati siyang nagpapadala, kinsenas katapusan, siya talaga ang aming inaasahan, mahirap lang kami, farmers lang,” sambit ni Ginang Ramacula. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481