MANILA, Philippines — Sa Lunes, magdaraos ng executive session ang Senado ukol sa Mamasapano probe.
Ayon kay Senador Grace Poe, chairperson ng Committee Public Order and Dangerous Drugs nagkaroon ng paunang executive meeting nitong Huwebes.
“The whole point is not, do not, trying to hide information from us or from the top. The main point is really their security also and for continuing possible military or kung hindi man military-police or crime investigation operations,” paliwanag ni Sen. Grace Poe.
Batay sa Senate Resolution No. 5 Sec. 11 o rules ukol sa mga imbestigasyon ng Senado. Ang executive session ay ginagawa kung ang isang resource person o testigo sa public hearing ay may babanggiting posibleng malagay sa peligro ang pambansang seguridad.
Limitado lamang ang executive session sa mga miyembro ng komite, staff at mga inimbitahang resource person.
Mahigpit ding ipinagbabawal na isa-publiko ang anumang mapag-uusapan dito maliban lamang kung aprubado ng komite. Under-oath rin ang mga ng resource person.
Dagdag pa ni Sen. Poe, “Sa ngayon sa tingin ko lahat ng mga senador ay nagkaroon na ng pagkakataon na magtanong — yung mga nakilahok sa hearing. Pangalawa, yung iba naming natitira na lang ay sa executive session. At kapag natapos na yung dalawang executive session na iyon na makukuha namin yung statements ng ibang resource person ay maari na kaming gumawa ng partial committee report.”
Kabilang sa inimbitahan sa executive session sa Lunes ang mga committee member at mga resource person; áng dalawang PNP-SAF survivor sa Mamasapano operations, si dating PNP-SAF Director Getulio Napeñas, at PNP Intelligence Group chief, Police Senior Superintendent Fernando Mendez.
Inaasahan na kabilang sa mga matatalakay sa executive session ang tungkol sa partisipasyon ng Estados Unidos sa Mamasapano operation, bakit sa FBI ibinigay ang pinutol na daliri ni Marwan, at ang intel report sa 300 na umano’y sinanay ni Marawan.
Tatalakayin rin ang viral video ng pamamaril sa sugatang PNP-SAF commando.
“May hearing kami sa Monday para doon sa intelligence commander kasi hindi rin pwedeng i-reveal kung sino siya. Tapos mayroon pa ng isa, si Napeñas — silang dalawa. Pagkatapos noon, kasi I expect na by Monday hindi pa ready si General Purisima, naglalaan pa kami ng isa pang araw para sa pagdinig naman ni General Purisima.”
Naniniwala rin si Senador Antonio Trillanes IV na sa pamamagitan ng Mamasapano probe, masasagot ang maraming katanungan ng taong bayan.
“Na-klaro, natanggal yung mga espkulasyon at yung mga rumor at yung mga propaganda at nakita yung totoo. Maraming intriga doon na inutusan daw na huwag mag-reinforce, nawala yun. Sinabihan daw itong 300 ng SAF, anu daw hindi nag-reinforce for some reason, hindi rin totoo.”
Nangako ang Committee on Public Order na lahat ng impormasyon sa magkabilang panig ukol sa Mamasapano incident ay isasama sa kanilang gagawing committee report. (BRYAN DE PAZ / UNTV News)