MANILA, Philippines – Isang tawag mula sa concerned citizen ang natanggap ng UNTV News and Rescue Team kaugnay ng banggaan ng isang motorsiklo at taxi sa bahagi ng Congressional ext. Quezon City, pasado alas-9 nitong gabi ng Huwebes.
Sa pagresponde ng grupo sa aksidente, nadatnan ng grupo ang isang motorcycle rider na iniinda ang pananakit at pamamanhid ng likuran.
“Akala ko nga hindi na siya abutin eh, mabilis ang dating niya eh,” saad ni Vedasto Galleneto, taxi driver.
Agad nilapatan ng paunang lunas ng grupo ang biktima at isinugod sa ospital.
Batay sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo ang biktima nang bumangga ito sa tagiliran ng taxi ni Galleneto na biglang lumiko sa isang gasolinahan.
Hindi umano agad nakapag-preno ang rider dahil hindi niya akalaing liliko pala ang taxi sa kaniyang harapan.
Agad namang nakatalon sa kanyang motorsiklo ang biktima bago pa man ito tuluyang bumangga sa taxi.
Wasak ang harapang bahagi ng motorsiklo habang nayupi naman ang tagiliran ng taxi. (Jerico Albano / UNTV News)