MANILA, Philippines – Hindi prayoridad ng joint Special Investigation Team mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at National Prosecution Service (NPS) ang pag-imbestiga sa umano’y papel ng Estados Unidos sa pagtugis sa intenational terrorist na si Zulkifli Binhir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ito ay sa kabila ng mga ulat na malaki umano ang partisipasyon ng Amerika sa nasabing operasyon, lalo na sa intelligence gathering.
Paliwanag ni Justice Secretary Leila De Lima, nakapokus lamang ang Special Investigation Team sa criminal aspect ng kaso.
Ayon pa kay De Lima, tukoy na ng NBI ang uploader ng kumalat na Mamasapano video, kung saan makikita ang pagbaril sa mukha at dibdib ng isang sugatang PNP-SAF commando.
Aniya, mahaharap sa paglabag sa Anti-Cybercrime Law ang nag-upload ng video, subalit tumanggi muna ang kalihim na pangalanan ng nag-upload ng video.
Una nang sinabi ni De Lima na gagamitin ang naturang video bilang ebidensya sa Mamasapano probe. Sinabi rin nito na kinikilala na ng NBI ang mga armadong lalaking nahagip sa video.
Samantala, anumang araw ngayong linggo ay tutungo sa Mamasapano, Maguindanao ang Special Investigation Team upang magsagawa ng ocular inspection sa clash site.
Ayon sa kalihim, nakipag-coordinate na sina Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera at ang mga miyembro ng panel sa Coordinating Committee for the Cessation of Hostilities (CCCH) upang masiguro ang kaligtasan ng mga imbestigador.
Layon ng ocular inspection na i-validate ang testimonya ng mga survivor, kabilang na ang lokasyon ng blocking force ng PNP-SAF at ang mga nangyari sa sinasabing bahay ni Marwan nang maganap ang engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao. (Bianca Dava / UNTV News)